Type Here to Get Search Results !

Lolit Solis, Hindi napigilang maiyak sa letter na ipinadala ni Kris Aquino


Inamin ng talent manager na si Lolit Solis na napaiyak siya matapos basahin ang liham na ipinadala sa kanya ng dating Kapamilya host na si Kris Aquino, na maraming taon nang nakikipaglaban sa sakit na autoimmune.

Sa Instagram ng entertainment columnist na si Lolit Solis, ibinahagi  nito na hindi niya napigilang maluha matapos mabasa ang bahagi ng sulat kung saan sinabi ni Kris na umaasa siyang mabuhay hanggang sa panahong nasa hustong gulang na ang kanyang pangalawang anak na si Bimby para alagaan ang kanyang panganay na si Joshua, na ipinanganak na may autism.

“Iyon mabuhay siya para na lang sa dalawang anak niya. Tanggap niya na nahihirapan siya sa kanyang sakit, at talagang napi-feel niya kung minsan 'yung hirap na hindi na niya makaya at hirap na siya kahit sa pagsusulat,” ani Lolit solis. 

Nalulungkot daw siya para sa dating TV host dahil sa kabila ng mga hirap na pinagdaraanan nito ay nagagawa pa rin siyang magsalitaan ng masama ng kanyang mga basher. 

Saad pa niya, “Kitang kita mo ang pagpayat ni Kris, sign na talagang may nadaramang sakit. Hanga ka nga sa kanya dahil kinakaya niya ang pain at pinipilit ang katawan para hindi masyado mag alala ang mga tao sa paligid niya.”

Hiling niya na sana ay mas maging mabait at mabuti ang publiko kay Kris dahil seryoso at malubha na talaga ang pinagdaraanan nito. Sana ay huwag na raw dagdagan ang sakit na dinaranas ng TV personality dahil hindi lang ito ang apektado kundi maging ang kanyang dalawang anak. 

“Maging kind tayo kay Kris Aquino, single mother ng dalawang anak na mga hindi pa puwede mamuhay ng wala ang guidance ng kanilang ina. Maging malambot ang puso natin sa kanyang journey sa buhay, gabayan natin para hindi maging mahirap ang lahat para sa pamilya niya. Hindi niya kailangan ang bashing, o anuman pagpuna sa ngayon,” anito.

Para sa kanya, isa si Kris sa mga totoong tao sa industriya kaya naman hiling niya ang paggaling nito. 

Dagdag pa nito, “Sensitive siya dahil ayaw niya na pati mga anak ay maapektuhan. She is worth loving, dahil isa si Kris Aquino sa tutoong tao sa showbiz. Be kind to her. Love her.”

Matatandaan nito lamang May 16 ay ibinunyag ni Kris Aquino na ang kanyang sakit ay nagbabanta na sa kanyang buhay sa gitna ng mga tsismis na siya ay nasa kritikal na kondisyon.